Date Issued: September 2013
ESSAY WRITING WINNERS
From the left Mr. Joselito Quintana, Ms. Roaiza Villanueva, Mr. Orbel Canoy, Romelie Annette R. De Leon from Elim Christian Academy winning 1st Place receiving the cash prize from Mr. Raymund Eguillos.
From the left Mr. Joselito Quintana, Ms. Roaiza Villanueva, Mr. Orbel Canoy, Danica Almanzor from Colegio De Sta. Rosa awarded as 1st Placer by Mr. Raymund Eguillos.
ELEMENTARY LEVEL
“Mamamayan ang Daan at Simbolo ng Kabayanihan”
Kaygandang turingan. Kahanga-hangang pakinggan. Subalit ito ba ay malapit sa katotohanan? O isa lamang bunga ng malikot na kaisipan? Posible pa nga bang maging bayani sa gitna ng maraming kabuktutan?
Ang sagot ay nakabatay hindi sa kasalukuyang kalagayan ng bansa. Kung hindi sa kapasyahan ng mga mamamyan na maging simbolo at daan ng kabayanihan. At ano-ano nga ba ang mga pagpapasyang ito?
Una, ang kapasyahang maging tapat sa paglilingkod, kahit na ang iba ay hindi. Ang katapatan ay ang sandigan ng ating pagkatao. Sa kabila ng talamak na kabuktutan sa ating paligid, katapatan ang siyang magtataguyod sa Inang Bayan sa kasalukuyang kalunos-lunos na kalagayan nito.
Pangalawa, ang kapasyahang mahalin ang ating bansa sa harap ng maraming kritisismo mula sa ibang lahi. Totoong maraming kamalian ang bansa at mas dumarami ang sumasang-ayon kaysa sa nagbabago nito. Subalit ang mahalin ang bayan sa kabila ng kapangitan nito ay tunay na simbolo ng kabayanihan ng isang mamamayan.
Pangatlo, ang kapasyahang maging isang produktong mamamayan. Higil ang walang humpay na inuman, tambayan, huntahan, panonood ng walang katuturan na drama sa telebisyon, pagbababad sa harap ng computer upang maglaro ng video games at maghapong pagtetext. Magpasya na ang mga susunod na araw ng ating buhay ay magkaroon ng kapaki-pakinabang na bunga.
Panghuli, ang kapasyahang ipagpatuloy ang mga adhikain ng mga bayani. Anu-ano nga ba ang mga adhikaing ito? Ang mamuhay tayo nang maunlad, mapayapa at malaya. Bigyang katuturan natin ang kanilang ipinaglaban.
Sa wakas, ito ang hamon sa atin - tayo ba ay karapat dapat na taguriang simbolo at daan ng kabayanihan para sa ating Bayang Sinilangan? Tayo ba ay kailangan pa muling mamatay sa bala at baril upang maging bayani? Sa palagay ko ay hindi na! dapat lang na tayo ay magpasya na tayo, oo tayo, ang simbolo at daan ng kabayanihan; hindi sa ating sarili, kundi para sa bayan.
By: Romelie Annette R. De Leon from Elim Christian Academy
HIGH SCHOOL LEVEL
“Mamamayan ang Daan at Simbolo ng Kabayanihan”
Sino ba sila Hugo Perez, Francisco Osorio at Victoriano Luciano? Hindi bat sila ay kabilang sa labing tatlong martir na naging parte ng Katipunan, mga taong lumaban para sa kalayaan ng ating bayan, sa mga sumakop at.umaangking mga dayuhan?
Sa panahon ngayon, may kilala ka bang bayani? Bayaning hindi na kailangan mamatay sa kamay ng mga dayuhang nagtatangkang sumakop sa ating bayan, kundi mga bayaning handang tumulong sa mga taong nangangailangan, mga pangkaraniwang tao na may kakaibang paraan upang maipakita na sila ay magigiting at matatapang.
Saan ba makikita ang mga taong tunay na bayani? Ang mga ito ba ay makikita sa mga bakuran ng mga mayayaman at opisyal ng gobyerno? Sa ating pagkakaalam ang mga labing tatlong maritr at iba pang mga bayani ng ating bansa ay namatay sa pakikipaglaban para sa ating karapatan sa kalayaan. At dahil sa kaganapang ito, tinawag silang mga bayani.
Si Efren Peñaflorida ay isang magandang halimbawa ng bayani sa ating henerasyon. Siya ang nagtatag at tagapamuno ng Dynamics Teen Company, na naghahandog sa mga kabataang Pilipino ng alternatibo sa mga palaboy sa kalye sa pamamagitan ng edukasyon, sa paglalapit ng mga paaralan sa mga lugar na hindi kinakaugalian tulad ng sementeryo at tambakan ng basura. Sa pamamagitan ng kanyang kariton, siya ay nakakapagbibigay ng kaalaman sa mga batang mangmang.
Sa panahon natin ngayon hindi na natin kailangan mamatay o sumabak sa digmaan para maging bayani. Karamihan sa atin ay pinarangalang bayani kahit sila ay simpleng tao lamang karamihan sa mga ito ay ang mga taong handang tumulong sa mga biktima ng mga sakuna, mga taong handang tumulong na walang hinihinging kapalit. Kadalasan pa nga sa mga ito ay ang mga taong kapos din naman sa yaman ngunit may mabuting kalooban.
Marami sa ating ang kakikitaan ng kabayanihan, mga guro na nagtuturo sa mga liblib na lugar na walang hihintay na kapalit, mga sundalong handang ilagay sa peligro ang buhay makatulong lang sa mga nangangailangan. Ngunit ang tunay na bayani sa ating panahon ay ang mga magulang natin, sila na tinaguriang “Taga-gabay ng sanlibutan” opo, ang tunay na bayani ng ating henerasyon ay ang mga magulang natin na silang gumagabay at naghuhulma sa ating mga kabataan, na sa kinabukasan ang pag-asa at kinabukasan ng bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento