Lunes, Enero 6, 2014

NUTRITRECE 2014 QUARTER 1

NUTRITRECE ARTICLE 5
Date Issued: 2014

BREASTFEEDING – May benepisyong hatid sa mga ina at kanilang sanggol

Madalas nating marinig sa telebisyon o radyo ang mga patalastas ng mga gatas na pambata ang mga katagang “Breast milk is best for babies up to 2 years of age.” Totoo nga ba na ang breast milk o gatas mula sa ina ay mas nakabubuti para sa mga sanggol? Kung totoo, anu-ano naman kaya ang nasabing importansya nito?
Ang breastfeeding o pagpapasuso ng sanggol mula pagkapanganak ay sinasabing isang magandang paraan para ma-develop nang mabuti ang katawan at isip ng sanggol at para na rin maiwasan ang pagkakaroon ng sakit tulad ng diabetes at cancer. Bukod pa rito, maiiwasan rin ng bata ang magkaroon ng allergy, obesity, pagkakasakit at anumang impeksyon. Ang gatas na mula sa ina ay madaling mai-digest ng sanggol kaya naman naiiwasan ang pagkakabag, constipation at diarrhea. Dagdag ay pa rito, ang gatas na iyon ay makapagbibigay ng mga kaukulang nutrisyon sa sanggol at ang komposisyon nito ay nagbabago nang naaayon sa edad ng bata para mabigyan sila ng sapat na nutrisyon habang lumalaki. 
Para naman sa mga ina na kapapanganak pa lamang, ang breastfeeding ay may naibibigay din na tulong para sa kanilang mga sarili. Sinasabi na ang pagpapasuso ay tumutulong para mabilisang maibalik ang anyo o hugis ng uterus gaya ng bago pa lamang mabuntis ang ina. Pangalawa, nakatutulong din ito para makapagpabawas agad ng timbang ang ina pagkatapos nitong manganak. Pangatlo, naiiwasan ang posibleng pagkakaroon ng ovarian cancer at pre-menopausal breast cancer. Pang-apat, ito ay nakababawas ng tsansa na magkaroon ng osteoporosis at gestational diabetes na maaaring mauwi sa Type 2 diabetes.
Sa praktikal na pagtingin, ang pagpapasuso ng sanggol ay makatutulong para makatipid ang ina sa pagbili ng mga mamahaling gatas para sa kanyang anak, at higit sa lahat, magkakaroon pa siya ng pisikal na kontak sa kanyang anak na siyang magiging dahilan para maging malapit ito sa isa’t isa. Kaya para sa mga minamahal naming mga ina, laging tandaan na mahalaga para sa inyong mga anak at sa sarili ang breastfeeding. Sa breastfeeding, magiging maayos ang inyong pisikal, mental at lalung-lalo na ang emosyonal na aspeto ng inyong buhay.



PASALUBONG CHALLENGE

          Ang Rosario ay may sikat na tinapa at daing, ang Tanza ay may malutong na chicharon, ang Kawit ay may pulvoron at vegetable chips, ang Indang ay may sugar palm vinegar, ang General Trias ay may kilalang gatas, ang Dasmarinas naman ay may masarap na buko cheese pie at tarts. Ano naman kaya ang pinagmamalaking pasalubong ng Trece Martires, Cavite?
          Sa darating na Hulyo 2014 ay inaanyayahan ang mga Treceño na makilahok sa “Pasalubong Challenge” sa paghahanap ng pasalubong na orihinal at tatak Treceño. Sumali na at magbigay ng alinmang produkto na sa tingin niyo ay maipagmamalaki ng Trece Martires. Sa mga nais sumali at para sa karagdagang impormasyon, pumunta at magtanong lamang sa Tourism and Information Division ng Munisipyo ng Trece Martires, Cavite.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento