Lunes, Enero 6, 2014

NUTRITRECE 2014 QUARTER 1

NUTRITRECE ARTICLE 4
Date Issued: 2014

Tema para sa nalalapit na Nutrition Month Celebration 2014, inaprubahan na "Kalamidad paghandaan: Gutom at Malnutrsyon Agapan!"

Sabi sa isang sikat na kanta ng isang popular na mang-aawit na si Michael Jackson, “Heal the world, make it a better place for you and for me and the entire human race.” Ang mga salitang ito ay may ipinahihiwatig na isang importanteng mensahe para sa mga tao sa buong mundo, at ito ay ang pagkakaisa para mabigyang lunas ang sakit sa lipunan, partikular na ang ating kalikasan. Sa panahon ngayon ay madalas nating makita, marinig o mabasa sa iba’t ibang salik ng impormasyon ang mga balita tungkol sa mga naganap na kalamidad at malupit na hagupit ng kalikasan na siyang sumisira ng ating mga naipundar na bagay, at higit sa lahat ay siya ring maaaring bumawi ng buhay ng ating mga minamahal. Madalas nating makita ang iba’t ibang resulta ng mga kalamidad na ito at isa na rito ay ang posibilidad na kagutuman at malnutrisyon. Ngunit sa kabila  ng lahat, hindi natitinag ang ating kapwa Pilipino para tumulong at malunasan ang problema na ito.
Noong Marso 26, 2014 ay inaprubahan ng National Nutrition Council (NNC) Technical Committee ang tema para sa nalalapit na Nutrition Month Celebration na tinawag na “Kalamidad paghandaan: Gutom at malnutrisyon agapan!” Ang nasabing tema ay opisyal na kinilala sa ikalawang pagpupulong na dinaos ng NNC Technical Committee sa Philippine Statistics Authority sa Makati. Ayon sa NNC, nilalayon ng temang ito na ipakita ang importansya ng paghahanda at pag-iiwas sa gutom at malnutrisyon para bumaba ang mga di magagandang mga resulta na dulot ng kalamidad at iba pang mga disaster. Bukod pa rito, ang tema ay humuhiling sa mga Local Government Units (LGU) sa pamamagitan ng kanilang mga komite ng nutrisyon na makiisa at magplano ng mga bagay para mapaghandaan ng maayos ang mga problema na bigay ng kalikasan.
Ang gutom at malnutrisyon ay palagi na lamang kabilang sa mga mapapait na resultang hatid ng mga kalamidad at ibang sakuna, di lamang dito sa bansa kundi pati na rin sa iba pang mga lugar sa mundo. Walang pinipiling edad, kasarian o katayuan sa buhay ang mga ito kaya naman lahat ng tao ay posible ring makaranas ng kagutuman at malnutrisyon. Ang mga malalaking organisasyon tulad ng World Food Programme (WFP) at Unicef aay tumutulong para sa maagap na pag-aksyon sa problemang ito. Bukod pa rito, may mga ginawa din silang programa para matulungan ang lahat ng bansa para hindi na gaano pang lumala ang suliranin na ito. May mga inilunsad ang Unicef at WFP na mga impormasyon para malaman ng mga local na gobyerno ang mga nararapat na gawin para maagapan ang bagay na ito. Ayon sa dalawang organisasyon na ito ay nagbigay ng Disaster Risk Reduction (DRR) na isang sistema para malaman, masuri, at mabawasan ang mga maaaring dulot ng mga sakuna. Sa Unicef, mayroon tatlong uri ng mga actibidad na ibinigay at kasama rito ang mga maaaring gawing aksyon ng ating mga lokal na gobyerno at lalun-lalo na ng bawat tao sa bansa.
Una ay ang tinatawag na prevention o mitigation. Ito ay ang agapang pag-iwas sa parating na sakuna. Sa prevention o mitigation, kinakailangang siguraduhin ng mga sektor ng nutrisyon na kaagapay at handa sila sa ginagawang assessment ng lokal na gobyerno ukol sa parating na sakuna. Mababawasan din ang impact ng mga kalamidad sa mga bata sa pamamagitan ng pagkakaroon ng care practices tulad ng eksklusibong pagpapasuso sa mga sanggol at tama o balance na pagpapakain sa mga bata. Kinakailangan din na malaman ng lokal na gobyerno ang mga kaso ng malnutriyson sa kanilang lugar at iba pa na posibleng maging malnourished.
Ang sumunod ay ang preparedness o paghahanda. Dito ay dapat maging alerto at handa na ang mga serbisyo pang-nutrisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga early warning system sa kanilang komunidad. Dapat din ay malaman na ng mga kinauukulan ang mga lugar kung saan magiging malala ang kaso ng kagutuman at malnutrisyon para maging handa at mabawasan ang kaso na ito.
Ang huli ay ang response o early recovery. Pagkatapos ng sakuna ay kinakailangan pa ring makipagtulungan ang gobyerno sa iba’t ibang sektor at organisasyon na may kaugnayan sa nutrisyon para malaman ang mga bagong kaalaman o impormasyon para tuluyang maayos at maiwasan ang pagkagutom at malnutrisyon. Bukod pa dito, nararapat lamang na makapag-isip ang mga opisyal ng gobyerno ng mga alternatibong pagkukunan ng pagkain para di na tuluyan pang magkaroon ng problema sa pagkukunan ng pagkain ng mga tao.
Ang mga hakbang na ito ay ginawa ng Unicef, WFP, at iba pang organisasyon hindi lamang para sa nasyunal, o lokal na pamahalaan. Ito ay ginawa para sa ikabubuti ng lahat ng mamamayan ng bansa. Nararapat lamang na magkaroon tayo ng sapat na kaalaman at pagkukusa sa paghahanda at pag-iwas sa mga maaaring epekto ng kalamidad at sakuna. Sabi nga nila, ang lahat ng magagandang bagay ay nagagawa kung makikipagtulungan ang lahat. At sa pagtutulungan ng lahat ay mapapanatili natin ang maayos na pakikipag-ugnyan ng tao at ng kalikasan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento